CROSSOVERPH← All stories
WBLA · News

AKARI SPARKS, NAGTAPOS SA PANALO! FIFTH PLACE SA WBL ASIA

Updated · Philippine time

AKARI SPARKS, NAGTAPOS SA PANALO! FIFTH PLACE SA WBL ASIA

Tinapos ng Akari Sparks sa magandang paraan ang kanilang kampanya sa WBL Asia matapos tambakan ang Indian Railways, 86–56, sa classification game para sa ikalimang puwesto nitong Sabado, Oktubre 24, sa Sree Kanteerava Indoor Stadium sa Bengaluru, India.

Pinangunahan nina Bre’Amber Shakira Scott at Saicha Patrica Grant-Allen ang opensiba, habang nagbigay ng mahalagang suporta ang mga Pilipinang manlalaro sa rebounding, paglikha ng pagkakataon at depensa upang maselyuhan ang fifth-place finish.

Kumamada si Scott ng 25 puntos sa 8-of-10 shooting, kabilang ang tatlong tres sa apat na pagtatangka, kasama ang anim na rebounds at dalawang assists.

Nagtala naman si Grant-Allen ng 24 puntos, 11 rebounds, limang assists, tatlong steals at dalawang blocks. Pinagsama ng dalawa ang 49 puntos sa dominanteng panalo.

Sa hanay ng mga Pilipina, nanguna sa scoring si Jhazmin Joson na may walong puntos, kasabay ng limang assists at tatlong steals. Nag-ambag din si Allana Lim ng pitong puntos sa mahusay na 3-of-4 shooting, kasama ang dalawang rebounds at isang assist.

Malaki rin ang naging papel ni Kent Pastrana kahit limang puntos lamang ang kanyang naitala. Humakot siya ng 10 rebounds at nagdagdag ng apat na assists, isang steal at isang block sa halos 18 minutong paglalaro.

Nagbigay naman si Angelica Surada ng apat na puntos at apat na steals. Naipasok niya ang pareho niyang tira mula sa field, habang tumulong sa depensang nagpahirap sa Indian Railways.

May tiglimang puntos sina Camille Clarin at Angelika Soriano. Nagdagdag si Clarin ng apat na rebounds at tatlong steals, habang nagtala si Soriano ng dalawang assists at dalawang steals.

Nag-ambag din si Stephanie Ventura ng tatlong puntos at isang steal. Bagama’t hindi nakapuntos, may dalawang assists si Stefanie Berberabe, habang nagtala si Camille Sambile ng isang assist at isang steal.

Maagang hinawakan ng Sparks ang kontrol matapos manguna, 21–15, sa unang quarter. Nadagdagan pa ang kanilang lamang sa ikalawang yugto upang dalhin ang 42–30 bentahe sa halftime.

Sa third quarter tuluyang inilayo ng Akari ang laban. Dinaig nila ang Indian Railways, 30–12, sa naturang yugto upang itulak sa 72–42 ang iskor bago ang huling quarter.

Umabot sa 32 puntos ang pinakamalaking kalamangan ng Sparks. Hindi nakatikim ng lamang ang Indian Railways sa buong laro.

Naging susi rin ang sama-samang pagkilos ng Akari, na nagtapos na may 23 assists, 18 steals at apat na blocks. Nanaig sila sa rebounding, 41–35, at nakapagtala ng 27 puntos mula sa turnovers ng kalaban.

Dinomina rin ng Sparks ang loob, tangan ang 36–16 kalamangan sa points in the paint, habang nagdagdag ng 21 fast-break points. Nagtapos sila sa 50 porsiyentong shooting mula sa field kumpara sa 31 porsiyento ng Indian Railways.

Nanguna sa Indian Railways si Pushpa Senthil Kumar na may 13 puntos at 11 rebounds, habang nagtala si Dharshini Thirunavukkarasu ng walong assists.

Bagama’t hindi nakapasok sa medal round, tiniyak ng Akari na panalo ang kanilang huling laro. Sa tulong ng malakas na produksyon nina Scott at Grant-Allen at mahahalagang ambag ng mga Pilipina, tinapos ng Sparks ang torneo sa ikalimang puwesto.

CROSSOVERPH | Philippine Basketball

Visit CROSSOVERPH on Facebook ↗

WBLA

AKARI, YUMUKO SA SICHUAN; SEMIFINAL BID, NAGTAPOS

Nagtapos ang semifinal hopes ng Akari Sparks sa FIBA Women’s Basketball League Asia 2026 matapos silang yumuko sa Chinese powerhouse Sichuan Yuanda Meile, 94-73, sa kanilang Group A matchup sa Sree Kanteerava Indoor Stadium sa Bengaluru, India.

WBLA

AKARI, KUMABIG MULA 20-POINT DEFICIT PERO BUMIGAY SA CATHAY LIFE, 85–75

Hindi sapat ang matinding paghabol ng Akari Sparks upang maiwasan ang 85–75 pagkatalo sa Cathay Life Tigers sa kanilang Group A showdown sa Sree Kanteerava Indoor Stadium sa Bengaluru, India.

Explore more basketball stories →